Shalani "The Solitude" Soledad WillingWillie Co Host




Mainit na pinag-uusapan ngayon ang paglabas ni Shalani Soledad sa Willing Willie bilang pinakabagong co-host ni Willie Revillame.


Mula sa pagiging konsehal ng Valenzuela City, tatawirin na raw ng dating kasintahan ni Pangulong Noynoy Aquino ang mundo ng showbiz.



At ngayong gabi nga ay ipinakilala ni Willie si Shalani sa kanyang mga manonood bilang kasama sa programa. Live ang Willing Willie, at kinukuhanan ito sa Studio A sa main building ng TV5 sa Novaliches.



Ayon kay Willie, si Shalani na ang "heart" o puso ng Willing Willie.



Madaling naging hot topic ang balitang si Shalani na nga ang co-host ng TV5 show. Sa kasalukuyan, kasama pa rin sa Trending Topics ng Twitter ang salitang "Shalani," nagpapatunay na maraming nag-abang sa paglabas niya sa nasabing programa.



Isa sa mga dahilan nito ay ang balitang break na sina Shalani at ang dating kasintahang si Pangulong Aquino. Pinili ni Shalani na manahimik ukol sa nasabing paghihiwalay, kaya naman sabik pa rin ang tao sa kanyang mga TV appearances.



Pangalawa, marami kasing nagsasabing hindi bagay ang mahiyain at soft-spoken na si Shalani na maging co-host sa isang programang naghahatid ng ingay at excitement gabi-gabi.



Nakilala si Shalani bilang kasintahan ni Pangulong Aquino. Noong kampanya para sa pagka-Presidente ng bansa, may mga pagkakataon na kasa-kasama ni Noynoy si Shalani sa ilang mga campaign sorties. Mayroon ding mga pagkakataon na si Shalani mismo ang mag-isang nangangampanya para sa kasintahan.



Hindi bago kay Shalani ang paglabas sa telebisyon. Bago siya sumuong sa mundo ng pulitika, naging field reporter siya para sa UNTelevision. Gayunpaman, wala pa rin siyang karanasan sa pagho-host ng isang game show.



Si Willie naman ay isang kontrobersiyal na TV host. Noong mga nakaraang buwan ay madalas siya sa balita dahil sa pag-alis niya mula sa ABS-CBN, ang network na nagbigay sa kanya ng break sa pamamagitan ng noontime show na Wowowee.



Ang Willing Willie ay kahalintulad lamang ng Wowowee—pareho itong game show na ang hangarin umano ay tulungan at mapasaya ang mga mahirap na Pilipino.



PAGPAPAKILALA KAY SHALANI. Sa ganap na 6:45 p.m. ay naglakad si Willie sa gitna ng stage upang simulan ang pagpapakilala sa bagong co-host. Madilim ang studio at tahimik ang audience—lahat ng ito para mapataas ang drama ng programa.



Malumanay ang boses ni Willie habang nagsasalita.



"Magandang gabi po sa Luzon, Visayas at Mindanao, sa inyong lahat. Magandang-magandang gabi. Ngayong gabi po, hindi na ako mag-iisa sa pagbibigay ng lingkod sa inyong lahat. Yung programang Willing Willie e programa po ito ng bawat Pilipino.



"Ang pakay po ng programa ay magbigay ng saya at pag-asa sa bawat Pilipino. Nagsimula kami, at maraming pinagdaanan. Sabi ko, may soul ang programa, pero walang heart."



Ayon sa kanya, si Shalani na ang kukumpleto ng programa.



"Naghanap kami ng heart, para may heart and soul. So kumpleto na po ang programa, dahil magmula ngayong araw na ito, siguro talagang it's God's will, na makasama natin ang taong ito. Simpleng babae, ang hangad ay magbigay lang ng tulong sa kapwa Pilipino. Para sa akin, simplicity is beauty.



"Eto po, pakilala na natin. Ang heart, hindi Evangelista, heart, puso, ng programang Willing Willie. Eto po siya... Mga kababayan, please welcome, ang puso ng Willing Willie. Ms. Shalani!"



Matapos nito ay may ipinakitang slideshow ng mga larawan ni Shalani sa saliw ng kantang "Just The Way You Are" ni Bruno Mars.

Courtesy of PEP

Related Post

0 comments:

Post a Comment

Share

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More